Sunday, November 21, 2010

TSAMPORADO




              Sa tuwing ako’y gigising sa umaga aking hanap-hanap ay isang mainit at masarap na pagkain na magbibigay sakin ng enerhiya para sa araw araw na gawain. Wala na akong ibang maisip na kainin sa umaga kung hindi ang tsamporado, dahil ito ang aking paborito. Araw-araw ito ang hiling kong iluto ng aming kasambahay.


Ang tsamporado ay isang pagkaing Pinoy kung saan ang tsokolate ay inihahalo sa kanin at nilalagyan ng gatas at asukal upang ito’y magkalasa. Dahil sa matamis nitong lasa nagbibigay ito ng mental at emosyonal na epekto sa isang tao na kumakain nito. Ito’y nakakapagpabago ng pakiramdam dahil ayon sa ating paniniwala, ang tsokolate o kahit anong matamis na pagkain ay nakakapagpagaan ng loob. Sa kakaibang lasa ng tsamporado, ito ay tinatangkilik ng lahat hindi lamang ng mga bata kundi pati na din mga nakatatanda. Kadalasang sinasabayan ng pritong tuyo ang tsamporado sapagkat ang alat ng tuyo at tamis ng tsamporado ay nagtutugma sa isa’t isa na nagbibigay ng mas balanseng timpla sa panlasa. Maliban sa masarap nitong lasa, taglay din ng tsamporado ang sustansya na kailangan ng ating katawan. Ang cocoa ay nagtataglay ng carbohydrates, fiber at protein na mabuti sa ating kalusugan. Hindi ito nagtataglay ng cholesterol sapagkat ito ay napaka natural. Ang kanin naman ay isang magandang pinagkukunan ng carbohydrates at nagtataglay ng amino acids. Ito ay isa sa mga nagbibigay ng enerhiya sa ating katawan upang maiwasan ang panghihina at pananamlay.  Ang gatas naman na isa sa mga sangkap ng tsamporado ay nagtataglay ng calcium na makabubuti sa ating mga buto at ngipin. Ang lahat ng sangkap na bumubuo sa timpla ng tsamporado ay sadya nga naming masustansya. Kaya ito ay kabilang sa pinaka masusustansyang putaheng Pilipino.

Hindi mahalaga kung espesyal o mamahalin ang mga sangkap upang makagawa ng isang masarap na putahe. Ang mahalaga ay ang mga taglay nitong sustansya at epekto sa ating katawan. Kung ating iisipin, mas madaming simple at karaniwang sangkap sa ating paligid na mas makakabuti sa ating kalusugan kumpara sa ibang mga mamahalin at espesyal na sangkap na matatagpuan sa iba’t ibang bansa. Kaya ating tangkilikin ang sariling atin.

4 comments: